Kakulangan sa pagpapasya (pinahabang bersyon)
Ang katotohanan ay isang mapaglarong kaibigan. Isa siyang suwail na anak. Isa siyang prutas na hindi maabot. Isa siyang ibong nandaragit.
Hindi mo maaring sabihin na totoo ang isang bagay dahil hindi mo maaring patunayan na pang-habangbuhay ang isang kaayusan. Walang tao na may pagmamay-ari sa libro ng kalawakan. Nagbubuhat mula rito ang isa pang tanong: mayroon nga bang katotohanan? Ang alam mo ngayon ay kamangmangan sa ibang tao makalipas ang ilang dipa ng taon. At ang kakayanan nating tumarok ng mga naaalam ay kamangmangan lalo na sa Panginoon.
Oo nga, ang Panginoon. Sabi ng marami, ang Panginoon ay isa lamang konsepto ng nakaraan...isa lamang siyang kathang-isip ng mga desperadong nilalang na pilit binibigyang halaga ang karanasan ng buhay. Ang konsepto ng Diyos daw ay marka ng kasaysayan...ng kulturang kasaysayan...at ito ay tanda na ang pag-iisip ng tao ay umuusad na at nakakamtan na niya ang kaalaman para maipaliwanag ang nakararaming bagay...at pati buhay na walang hanggan.
Bilang isang Kristyano, paano mo maipagtatanggol ang relihiyon laban sa mga akusasyon na ito kung wala ka namang matibay na ebidensya bukod sa mga milagro, Bibliya at ilang kasulatan, at ang pinanghahawakang paniniwala ng mga kapwa mo Kristyano? Isa nga lang bang bahagi ng kasaysayan ang Kristyanismo na balang araw ay papalitan din ng mas may dating na pananampalataya?
Una, mayroong ebidensya. Pangalawa, may halaga. Pangatlo, kung tutuusin, ang katotohanan ay ganito at hindi maiiwasan.
Dapat natin malaman at paniwalaan buhat sa ayos ng aking pagtatanong ukol sa kung ano ang alam natin ay tama, na mayroong kaayusan na hindi mauunawaan ng tao. Pilit man nating angkinin susi sa buhay, palagi na lamang may kokontrang tesis, at kakastiguhin ka dahil dito. Mayroong kaayusan na hindi natin alam. Hindi ito kabawasan ng ating pagiging tao, bagkus ito ang nagbibigay saysay at lakas sa mga galaw mula pa noong panahon.
At ang Bibilya, mangilang beses na pilit iwaksi ay hindi maiwaksi ni mapawalang-katotohanan dahil sa bisa ng milagro, mangilang ebidensya na siyang tutugon sa tanong ng mga emperesista, at dahil ito ay may halaga sa tao. Kahit ang post-modernismo ang pinakamatinding hamon sa mga nananampalataya ngayon ay hindi maaring ipawalang-bisa ang lakas ng pananampalataya ng tao. Mayroong katotohanan. Mayroong galaw na hindi ko maintitindihan. Mayroon akong paniniwala na kahit kaunti ay mayroong silbeng panghabang buhay ang kasulatang ito. Ang kinaganda pa nito, marami nga ang silbi nito.
Kung ganito ang kaayusan, mayroon nga bang katotohanang panlahatan? O ang katotohanan ba ay isang bagay na nag-uugat mula sa kanya-kanyang paliwanag?
Hindi ba kapag sinabi natin na ang katotohanan ay nakadepende sa indibidwal, sinasabi natin na alam natin na ito ang totoo? Ang pagsabi na walang katotohanan mismo ay isang pag-angkin sa isang katotohanan---na walang katotohanan.
Kaya nga naglalaro sa isipan ko...hindi ba natin matanggap na mayroon ngang katotohanan? Bakit kay dali para sa taong sabihin na siya ang tama at siya dapat ang masunod? Bakit ba ang mga diskurso sa pilosopiya at agham panlipunan ay nakatuon sa mga paraan para iangat ang sanlibutan?
Eto lang. Ang mga diskurso ay nagsisilbing paraan para malaman ng tao ang kanyang pinagmulan at ang kakayanan niyang bigyan ng ayos ang daigdig. Eto ang modernismo. Eto ang dikta at kumpas ng pagbabagong progresibo ika-nga.
Ang akin lang. Hindi kumpleto ang isang panukala na ang tanging alam baguhin ay ang mga istruktura ng lipunan, pamahalaan, at mga taong may kapangyarihan. Hindi sapat na sabihing dapat palitan ang pamahalaan para matamo ang solusyon. Isa itong insulto sa ating agham. Isa itong insulto sa kaalaman ng sangkatauhan.
At ano itong panawagan para sa rebolusyong panlipunan? Anong panukala nanaman ba ito ng maka-kaliwa? Ang palagay kong mali rito ay ang masyadong pagtuon sa pang-ekonomikong dahilan. Hindi lang naman kasi at pansariling kaunlaran ang mithiin ng bawat nilalang. Dapat bigyan halaga ang kakayanan ng bawat isa, sa kanilang kaibahan, at pagsama-samahin sa isang pananaw===at yan ay bilang isang taong nilikha, mahina ngunit malakas, iba-iba pero may samahan.
Ang kakulangan sa pagpapasya ng ating sibilisasyon na tumugon sa panahon, na magtakda ng isang misyon, sumunod sa isang pangarap, at tumanggap na may kaayusan na hindi niya maaring makamtan sa kanyang talambuhay. Dahil dito, sa kakulangan sa puso at kaluluwa ng tao nagmumula ang kahulugan. Kahulugan ang nagbibigay saysay sa anuman ang totoo. Anuman ang totoo...ito ang nagdidikta ng buhay ng tao.
Mayroong puwersa sa likod ng lahat ng ito. Mayroong kamay na lingid sa atin. Pilit iniwasan ng mangilang madudunong na mga tao ang argumentong ito. Pilit nila pinawalang-bisa ang argumentong ito. Ang nagagawa nga naman ng kaalaman at katiting na yabang. Sa huli, naging kumpletong tao ba sila ng malaman nila ang totoo lamang sa kanila? At kung ang katotohanan ay nasa istruktura lamang ng isang tao, hindi nga ba kaguluhan ang kasunod nito? Kayabangan ng tao.
Naniniwala ako sa isang bagay na nasa labas na ng ating kaalaman. Isang bagay o kabuuan na nagbibigay ayos sa buhay dito ngayon magpakailanman. Hindi ko ito tatalikuran. Gawin mang supilin ng aking kayabangan at abot ng kaalaman gawa ng masusing pagbabasa ng literatura at siyensya, hindi ko ito masupil. Salamat na rin kay Ginoong Weber. At sa pagtingin ko sa ligid-ligid nakikita ko ang karaniwang tao. Bakit nga ba hindi sila nag-aaksaya ng panahon para isipin ito? Hindi ito pagtatapon ng oras, ngunit mayroong alam ang mangmang na tao o isang inosenteng bata na hindi ko alam.
At iyon ay...
Mayroong katotohanan sa hindi ko alam. Mayroong kapayapaan sa hindi ko alam. May kabutihan sa mga bagay na alam ko, ngunit ang dahilan kung bakit ay lingid sa akin.
Lahat tayo ay naghahanap ng kapirampot na kapayapaan. Ang kapayapaan na bukal sa loob ng isang taong nakakaintindi ng kahit kaunti ng ano ang totoo. At ang totoo ay hindi natin alam sa kabuuan. Nandiyan tayo para hanapin ito. Mayroong kahulugan ang buhay. Dahil dito mayroong direksyon, may silbe, may kulay.
Isa akong mababaw na nilalang. Nalulungkot ako minsan nang minsan sumagi sa unawain ko na ang babaw ng kaligayahan ko. Eto nga ba ang tunay na kaligayahan? Totoo ba ito? Naiinis ako na malaman na nakatuon ako sa premyo. Puro na lang ang makamundong kagustuhan ko. Ang tradisyon ng matiryalismo at utilisasyon. Nadagit ako ng sarili kong katotohanan---ang ilusyon ng mga uno na marka sa mga asignatura, sa dami ng posisyon at tungkuling aking hinahawakan, ang mga nakamit ko noon at nais pang idagdag bukas, ang pagnanais ng isang magandang buhay, at isang makakapiling.
Ang mapaglarong katotohanan. Nais kong may makapiling. Ngunit, ako nga ba ang nagsasalita o ang bugso ng aking emosyon?
Kung may dahilan kung bakit pilit kong kinakalimutan, kahit minsan ay masakit at minsan ay nakaktuwa ang alaala ng nakalipas, eto ay dahil nagkamali ako: hindi sa pagpili kundi sa pagpapasya na pumili ng ganoon kaaga, hindi sa paghahanap kundi sa pagpapasya na gawing labis na ang aking paghahanap, hindi sa ibang tao kundi sa pagpapasya na kung anong klase tao nga ako.
Nahihiya ako na naging pasakit ako sa maraming tao dahil sa kakulangan na ito.
Hindi ko alam ang mangyayari o ano ang tangan ng anghel ng panahon para sa akin. Pilit kong pinaghahadaan ang pagdaan niya sa araw-araw. Pilit kong inaayos ang buhay ko...maging masaya, maging magaling, maging totoo.
Eto lang ang alam ko. Na tayo ay isang sistema...isang lipunan na kung saan ang bawat isa ay nakaapekto sa isa. Walang makakatago. Walang makakaiwas.
At kaya naman mayroong mga bagay na may saysay sa mga hindi ko alam at nais malaman. Dasal ko na ang kababawan na nagpapahina sa akin ay maglaho na.
PS: Memorable tong day na to...napagsabihan ako ni Prof. Miranda sa labas ng PH 124 bago yung 180 nila Mau at Venus. Grabe...ang laki daw ng diaphragm ko so kung pwede raw tumahimik ako (mabait naman ang pagkasabi). Kasi puro RTR ako at mga speeches heading into this week. Besides, malaki ata talaga boses ko at di mapigilan ang chatterbox ways ko. This marks the first time in my UP life when a prof did tell me to cooperate with him and keep quiet. In short, first time ko mapagalitan ng isang prof sa UP...actually I don't consider it pinagalitan...hehe =) Oh well...there's always a first time.